Talambuhay-buhayan ng May-akda

Excited ang lahat nang mabuntis ang nanay ko. Kung saka-sakali kasi, ako ang kauna-unahang apo at pamangkin ng mga kamag-anak ko. Inabangan ako ng lahat. Ganun ako ka-ispesyal.

Alas-diyes ng gabi, malamig ang simoy ng hangin. Isang buwan nalang kasi pasko na.

Ika-25 ng Nobyembre taong 1995 sa bayan ng Alabang Muntinlupa. Isinilang si Jae Ann Mari “J.A.M.” Canlas Jumawan.

Nasa akin ang lahat ng luho. Araw-araw, may bago akong damit na galing sa mga kamag-anak. Araw-araw din akong nasa iba’t-ibang bahay. Pinagpasa-pasahan ako ng mga kamag-anak ko. Pero sa kabila ng paglaki ko sa layaw, hindi ako umabuso. Naging mabait at masunurin akong anak, pamangkin, at apo. Kapag pinapakanta nila ako, nakanta ako. Kapag pinapasayaw nila ako, nasayaw ako. Bibo ako noon. Hindi ko alam kung bakit nagkaganito ako ngayon.

Masaya ang “Childhood Life” ko. Sasabihin kong, ito ang ‘di ko malilimutang mga pagkakataon sa buhay ko. Ito yung panahong pipiliin kong balikan. Ito kasi yung panahong wala pa akong alam sa mundong masalimuot. Pagka-gising ko sa umaga, walang hila-hilamos, walang suklay-suklay, wala akong pakialam kung may panis na laway pa ako, dumi-diretso kaagad ako sa labas. Alam ko kasing naghihintay na sakin yung mga kalaro ko na hindi din nagsipag-hilamos. Lalaruin namin ang lahat ng klase ng laro. Teks, pogs, jolens, laste/goma, Beyblade, Tamiya, yoyo, turumpo, sipa, Chinese Garter, hula-hoop, jumping rope, Yugi-oh cards, Crash Gear, sumpitan ng sago, palakihan ng plastik lobo, pitik-bulag, piko, patintero, step-yes step-no, mataya-taya, langit-lupa, sili-sili maanghang, bam-sak, tagu-taguan, banana split, bahay-bahayan, teacher-teacheran, pass the message, luksong-baka, luksong-tinik, at marami pang iba. Ligo, kain, ihi o kaya pagtae lang ang pahinga namin.

Kaya siguro maliit ako ngayon, kasi di ako natutulog sa tanghali dati. Kapag pinapatulog kami, nauuna pang makatulog samin si papa. Siya kasi ang nagbabantay samin dati nung mga bata pa kami kasi may trabaho si mama at siya ang naiiwan para magbantay samin. Nagtutulug-tulugan kasi ako. Natakas ako kapag naririnig ko na yung hilik na signal ng mahimbing na tulog nya. Malikot ako kaya puro ako peklat. Iniisip ko nalang sa tuwing makikita ko ang mga peklat ko ngayon, e, masaya ang kabataan ko. Ginagawa ko nalang itong simbolo ng pagkakaroon ko ng masayang buhay bata.

Mahilig kami ng kapatid ko sa RPG o Role Playing Games. Naging espiya na kami ng kapatid kong lalaki. Naging astronaut, rakista, super hero, at pulis na din kami dahil sa aming imahinasyon. Mahilig din kaming gumawa ng robot. Sa lego man o sipit, o kaya  sa mga kariton. Mahilig kaming mag-drawing ng mga bagay-bagay. Lalo na ang cartoons at anime. Naaalala ko pa noong unang beses naming magpakabit ng cable. Natuwa ako sa dami ng channel. Na-love at first sight ako sa cartoons lalo na kay Spongebob. Sa kanya ako natuto mag-English.

Pumunta naman tayo sa buhay estudyante ko noon. Nung kinder pa ako, malayo yung bahay namin sa eskwelahang pinapasukan ko kaya madami akong nagawang pagliban. Pero hindi yun naging sagabal kasi pangatlo ako sa klase namin. Nagtapos ako ng kinder nang may nakasabit sa leeg kong medalya. Naaalala ko pa, sumali ako noon sa singing contest. Usong-uso kasi noon si Aiza kaya napagtripan ng mga teacher na gawing “Aiza” yung tema ng patimpalak. Nakapanglalaking damit ako noon, nakasalamin, may hawak na gitara habang nakanta sa harap ng madaming tao ng Pagdating ng Panahon. 1st place ako.

Mula unang baitang ng elementarya hanggang ika-anim, sa Alabang Elementary School ako nag-aral. Dito din nagtapos ang mga magulang ko. Dito ako namulat. Dito, naging teacher’s enemy no. 1 ako, nakapag-ghost hunting, nakalahok sa mga regional contests, nagkaroon ng kaibigang bakla, natutong magsuklay, atbp. Dito din ako nakaipon ng mga medalya. Nagtop-8 noong grade 1. Top-3 noong grade 2, Top-1 noong grade 3 at 4, at sa kasamaang palad wala akong nakuhang medalya noong grade 5 at 6. Bukod kasi sa nalipat ako sa highest section e, nagkaroon kami ng internet at naadik ako sa online games.

Labing-tatlong taon gulang na ako, isip bata parin  ako. Nire-regla na ko nito at tinutubuan na ng bundok sa dibdib. Nilalaro ko parin ang mga nilalaro kong larong pambata noon. Pero nang lumipat kami ng bahay dahil sa paghihiwalay ng magulang ko, nalayo ako sa mga kalaro ko. Nalulong ako sa online games at Friendster. Palagi akong nagdo-dota, SF, Ran Online, at nanghihingi ng testi sa mga FS friends. Pero sa kabila ng pagkalulong ko sa kompyuter, ay di ko napabayaan ang pagaaral ko. Nung 1st year ako, lahat ng grade ko 90+.

Naging malungkot ang buhay namin noong maghiwalay ang mga magulang ko. Nalayo ako sa mga kaibigan at mga kamag-anak ko. Lalo pang nadagdagan ang lungkot nang pumanaw ang lolo ko. Pinasara ang business ni mama dahil wala na kaming pera. Ang lahat ng naipundar ni mama, napunta sa pagpapa-dialysis ni lolo. Ang ikinasama lalo ng loob namin ay ang paglisan ng tatay ko. Kung kailan namang kailangan siya ni mama, tsaka siya umalis. Sumama siya sa kabit niyang bokalista at magpahanggang ngayon ay nagsasama parin sila.

Idolo ko ang tatay ko. Kamuka ko kasi siya. Bukod pa dun, e nasa banda siya. Tumutugtog siya ng Bass at siya ang lider ng banda nilang Black Verdict. Siya ang humubog sa akin sa madaming bagay. Siya ang walang sawang nagpapaliwanag sa akin ng mga bagay na hindi ko maintindihan lalo na kapag nanonood kami ng Discovery channel. Kasama namin siyang nanonood ng Spongebob at Simpsons. Siya ang dahilan ng pagkatao ko ngayon. Dahil sa kanya, nahilig kami sa cartoons. Nahilig ako sa mga rock bands tulad ng Metallica, the Beatles, Queen, AC/DC, Nirvana, Kiss at marami pang iba. Nahilig ako sa pagkanta. Inibig ko ang musika. At dahil din sa kanya, kung bakit hindi ako naniniwala sa walang hanggang pag-ibig. Iniwan niya kaming magi-ina sa kabila ng lahat. Masaya kami noon, masasabi kong pwede ko na ‘tong matawag na “Ideal Family”. Pinagpalit niya kami sa mukang bakla niyang bokalista. Maganda naman ang nanay ko, maabilidad, masipag at sobrang mabait. Pwede na nga yun tayuan ng rebulto dahil sa pagpapakabayani niya e. Hindi ko lang maintindihan kung bakit natuyo lang ng ganun ang pagiibigan nilang dalawa. Sadyang hindi tunay ang pag-ibig, isang hamak na salita lamang ito para sa akin.

Isa na akong kolehiyala ngayon. Sa tingin ko walang pagbabagong nangyari sa buhay ko. Kung paano ako mag-isip at umasta noon, ay ganun parin ngayon. Kinuha ko ang kursong Psychology sa St. Dominic College of Asia. Hindi man ito ang nais kong kurso, nag-enjoy naman ako  kasama ang mga naging kaibigan ko. Sa ngayon, hindi na muna ako maga-aral. Lilipat kasi ako sa UST kung saan nag-aral ang paborito kong bayaning si Jose Rizal. Nakapasa na ako kaya wala nang makakapipigil sa akin na makamit ang pangarap kong maging isang arkitekto.

3 responses to “Talambuhay-buhayan ng May-akda

  1. wow…wala akong ibang masabi kundi wow…napakaganda ng pagkakalahad…libis

  2. jamjumai

    Maraming salamat naman po sa positibong tugon nyo at napa-wow pa po kayo. Haha. Salamat ulit!🙂

  3. nc one ate galing moh ehehehe ma post nga

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s